Inisyuhan na ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang tatlo pang accredited driving schools sa Metro Manila at Cavite, dahil sa pag-iisyu ng fraudulent documents.
Kasabay nito ang pagpataw ng 30 araw na suspension sa mga driving school mula sa Las Piñas City, Caloocan City at Silang Cavite.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, sangkot umano sila sa pag-iisyu ng kwestyunableng Theoretical Driving Course (TDC) at Practical Driving Course (PDC) Certificates, na pangunahing requirements sa pagkuha ng driver’s license.
Batay sa imbestigasyon, nag-iisyu ng PDC at TDC certificates ang mga driving school kahit hindi pa nakukumpleto ang required na oras at seminar ng kanilang estudyante.
Pinakamatindi pa rito ang pag-iisyu ng nasabing mga dokumento sa mga estudyanteng hindi talaga sumailalim sa pagsasanay sa dalawang kurso.
Binigyan lamang ng LTO ng limang araw ang tatlong driving school para magpaliwanag, kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaparusahan.
Nauna nang sinuspinde ng 30 araw ang dalawang driving schools sa Lucena City at San Sebastian, Tarlac dahil din sa kapaherong paglabag. | ulat ni Rey Ferrer