Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang akreditasyon ng tatlong regional na partidong pulitikal para sa Bangsamoro parliamentary elections sa susunod na taon.
Ang mga kinikilalang partido ay ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP), Al Itthihad UKB, at ang BARMM Grand Coalition (BGC).
Matatandaang pinalawig ng Comelec ang deadline para sa akreditasyon hanggang Oktubre 8, 2024, upang bigyan ng mas mahabang panahon ang mga partidong pulitikal at sektor na magparehistro ng kanilang layunin na lumahok sa eleksyon.
Ito ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasunod ng pagpasa ng Bangsamoro Electoral Code noong Marso 2023.
Orihinal sana na isasagawa ang halalan sa BARMM noong 2022, ngunit ito ay ipinagpaliban nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11953. | ulat ni EJ Lazaro