Target ng National Irrigation Administration- Davao del Sur Irrigation Management Office na maibenta ang nasa 3,000 sako ng tig-sampung kilo ng bigas sa piling konsumante sa probinsya simula ngayong araw.
Ayon kay Engr. Dexter Tinapay, division manager ng NIA Davao del Sur Irrigation Management Office, dahil sa limitado pa lamang ang suplay ng bigas, prayoridad muna na maibenta ito sa mga miyembro ng vulnerable sector, kabilang na ang mga senior citizen, PWD, solo parent, at 4Ps.
Ang nasabing bigas ay mula sa palayan na isinailalim sa contract farming program ng NIA.
Ang 3,000 sako ng murang bigas ay mula sa dalawampung ektarya ng palayan sa Hagonoy, Davao del Sur.
Samantala, hinikayat naman ni Engr. Benjie Nierre, Operations and Maintenance Unit head, ang mga farmers at irrigators na sumailalim sa contract farming program upang mas maraming magsasaka pa ang matulungan mula sa simula ng pagtanim hanggang post-harvest, at maging ang mga konsumante upang mas marami pa ang makakabenepisyo at makabili ng murang bigas. | ulat ni Shiela Lisondra | RP1 Davao