Tulad ng inaasahan, dinagsa ang isinasagawang Certificate of Candidacy (COC) filing ng Commission on Elections (COMELEC) sa bisperas ng huling araw nito, kung saan naitala ng komisyon ang pinakamataas na bilang ng mga nais kumandidato sa Halalan 2025 magmula nang buksan ito noong October 1.
Sa pagtatapos ng filing kahapon (October 7), nakapagtala ang COMELEC ng 49 na senatorial aspirants at 50 party-list groups na naghain ng kanilang COCs at Certificates of Nomination and Acceptance (CON-CAN).
Kaya naman sa kabuuan, mayroon nang 127 kandidato sa pagkasenador, samantalang umabot na sa 137 ang para sa party-list groups. May 23 party-list groups pa na hinihintay ngayong araw ang COMELEC mula sa 160 inaasahan nitong lalahok sa 2025 Elections.
Ngayong Martes, sa pag-arangkada ng huling araw ng COC filing, asahan ayon sa COMELEC ang ilan pang hahabol sa paghahain para sa kanilang kandidatura.
Bukas ang tanggapan ng COMELEC sa Manila Hotel Tent City para sa mga nais kumandidato simula mamayang alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon mamaya.
At kahit umabot sa cut-off, basta nasa loob na ng Tent City, kanilang tatanggapin ang mga dokumento ng mga nais kumandidato at kanila itong ipoproseso. | ulat ni EJ Lazaro
đŸ“¸ COMELEC