Nagpadala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 50-man contingent sa Bicol upang maghatid ng tulong sa mga komunidad na lubos na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Kasama sa contingent na ipinadala ang 30-man clearing team na tutulong sa paglilinis ng mga kalsada at 20-man search and rescue team na tutulong para sa mga lugar na binaha.
Dala ng grupo ang 40 solar-powered water filtration systems, aluminum boat, dalawang engine-operated rubber boats, 20 maliliit na fiberglass boats, 1,000 life vests, anim na chainsaws, mga modular tent, at gamot para sa leptospirosis.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, tutulong ang grupo na matanggal ng mga bara sa daan, habang ang rescue team ay tututok sa mga binahang lugar.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa Office of Civil Defense (OCD) upang matukoy ang mga partikular na lugar na nangangailangan ng tulong.
Ang hakbang na ito ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tumulong at magpadala ng mga water purifier sa mga komunidad na naapektuhan ng Bagyong Kristine.| ulat ni Diane Lear