Higit sa kalahati ng mga pamilyang Pilipino ang ikinukunsidera ang sarili na mahirap, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).
Batay sa September survey, umabot sa 59% ang nagsabing sila ay mahirap mula sa 58% noong June survey.
Batay sa naturang survey, lumalabas na 16.3 milyon ang bilang ng self-rated na mahihirap na pamilya.
Kaugnay nito, 13% ng respondents ang sinabing pasok sila sa borderline poor, habang nasa 28% ang itinuturing ang sarili na hindi mahirap.
Ayon sa survey, tumaas ang porsyento ng Self-Rated Poor sa Metro Manila bagamat bumaba naman ito sa Visayas at Mindanao.
Kaugnay nito, nananatili naman sa 46% ang mga pamilyang itinuturing ang sarili bilang food-poor o katumbas ng 12.7 milyong pamilya.
Isinagawa ang survey mula September 14-23, 2024 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 indibidwal na may edad 18 pataas. | ulat ni Merry Ann Bastasa