Nadagdagan ang bilang ng mga unibersidad sa bansa na pasok sa 2025 Times Higher Education (THE) World University Rankings.
Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), mula sa limang unibersidad noong nakaraang rankings, umakyat ngayon sa anim ang bilang ng globally-ranked higher education institutions (HEIs).
Ito matapos na makapasok rin sa listahan sa kauna-unahang pagkakataon ang Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT).
Kabilang pa sa 2025 rankings ang:
- Ateneo de Manila University (1001 – 1200)
- University of the Philippines (1201 – 1500)
- De La Salle University (1501+)
- MAPUA University (1501+)
- University of Santo Tomas (1501+)
Ayon kay CHED Secretary Popoy de Vera, ang taunang pagtaas ng Philippine HEIs sa global ranking ay sumasalamin sa globalized outlook at competitiveness ng mga unibersidad sa bansa.
“The collective efforts of Philippine HEIs, assisted by CHED and the national government, are now showing results. Rest assured, we will continue accelerating internationalization, assist university-to-university linkages, and foster partnerships to bring more HEIs in international rankings,” ani De Vera.
Una na ring kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtaas ng bilang ng HEIs sa bansa na nakapasok sa global rankings, na umabot sa 87 nitong hunyo mula sa 52 noong nakaraang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa