Tumanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang walong repatriates mula sa Lebanon na naipit sa gulo sa pagitan ng Israeli forces at militant group na Hezbollah.
Tig-₱75,000 ang kanilang tinanggap mula sa AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) at karagdagang ₱75,000 naman mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Bukod pa ito sa tig-₱20,000 na livelihood assitance na nagmula naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kahapon, dumating ang walong OFW repatriates sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na karagdagan sa kabuoang 450 OFWs na sumailalim sa repatriation kasama ang 28 dependents nito. | ulat ni Jaymark Dagala