Nadagdagan pa ang bilang ng mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Julian.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sumampa na sa 43,093 pamilya o katumbas ng halos 150,000 mga indibidwal ang apektado mula sa 552 brgys sa Regions 1, 2 at CAR.
Sa nasabing bilang mahigit 2,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 58 mga evacuation centers.
Ayon pa sa NDRRMC, 8 na ang iniwang sugatan ng bagyo habang 1 naman ang nawawala.
Samantala, nasa ilalim na ng State of Calamity ang 23 siyudad at munisipalidad ng Region 1 o Ilocos Region at Batanes.
Nakapagtala din ng 85 partially damaged na mga kabahayan at 3 naman ang totally damaged.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang pagtulong ng pamahalan sa mga naapektuhan ng bagyong Julian kung saan nasa P11M na ang naipamahaging ayuda na kinabibilangan ng mga pagkain, damit, gamot at iba pa.| ulat ni Diane Lear