Dumating na sa bansa ngayong araw ang 84 na overseas Filipino workers (OFWs) kasama ang isang dependent na apektado ng nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), sa kabuuang bilang, umabot na sa 972 OFWs at 28 dependents ang nakauwi sa Pilipinas mula noong October 18, 2023 sa ilalim ng voluntary repatriation program ng pamahalaan.
Sinabi naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na whole-of-government team ang sumalubong sa mga OFW at binigyan sila ng agarang tulong.
Dagdag pa ni Cacdac, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs para mabantayan ang sitwasyon sa Middle East at masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino roon.
Sa ngayon, mayroon 2,000 OFWs sa Northern Israel. Pinaalalahanan ang mga ito na sumunod sa mga tagubilin ng Israeli Home Front Command at ng Embahada ng Pilipinas.
Nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa Israel at Alert Level 3 naman sa Lebanon. Pinapayuhan ang mga Pilipino sa mga lugar na ito na maging handa sa posibleng evacuation kung kinakailangan.| ulat ni Diane Lear