Aabot na sa 86 Electric Cooperatives (ECs) mula sa 52 lalawigan sa bansa ang apektado ng hagupit ng bagyong Kristine ayon sa National Electrification Administration (NEA).
Sa tala ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), anim na Electric Coop ang nagpatupad ng total power interruption mula pa noong Martes, bunsod ng problema sa transmission line ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Karamihan sa mga nawalan ng kuryente ang ECs sa Bicol Region partikular sa Sorsogon (SORECO I), Camarines Sur (CASURECO I and IV), at Catanduanes (FICELCO), pati na ang Samar (SAMELCO I) sa Eastern Visayas.
Katumbas ito ng higit 300,000 consumers na apektado ng power outage.
Samantala, 29 power Coops naman ang nakaranas ng partial power interruption habang 50 ang nananatili sa normal na operasyon.
Kaugnay nito, nagpaalala ang NEA sa lahat ng distribution utilities na agad magpatupad ng contingency measures para mabawasan ang epekto ng bagyo sa serbisyong kuryente. | ulat ni Merry Ann Bastasa