Umaasa pa rin si House Quad-Committee (Quad-Comm) Overall Chair Robert Ace Barbers na makonsidera pa rin ang suhestyon niya na “bicam” investigation sa laban kontra ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.
Ito ay kahit pa nagpahayag na si Senate President Francis “Chiz” Escudero na malabo itong mangyari dahil sa magkaiba ang panuntunan ng Kamara at Senado.
Ani Barbres, maaari namang mag-usap ang dalawang lider ng kapulungan para suspendihin ang kani-kaniyang rules lalo’t “of national importance” aniya ang usapin.
“Pwede(ng) pag-usapan ni Speaker at Senate President para kung papayag, we can suspend the rules, create this so-called historic unprecedented joint committee investigation,” ani Barbers.
Agosto nang simulan ng Quad Comm ang pagsisiyasat sa isyu ng ilegal na POGO, ilegal na droga at extrajudicial killings habang ang Senate Blue Ribbon Committee ay sisimulan ang kanilang pagdinig sa darating na Lunes, Oktubre 28. | ulat ni Kathleen Forbes