Pinalakas pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang presensya sa West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, matagumpay ang pagsasagawa ng dalawang sealift missions, 14 na maritime patrols, dalawang rotation at resupply mission, at tig-isang maritime surveillance at medical evacuation.
Isinagawa ang mga ito mula October 1 hanggang October 18.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, sinabi ng Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na naganap ito sa siyam na maritime features ng bansa sa loob ng kanilang exclusive economic zone.
Inaasahan din na dadami ang mga multilateral maritime activities o joint patrols kasama ang mga kaalyadong bansa sa mga susunod na araw.
Gayunman, tumanggi si Trinidad na iugnay ang kanilang mga pagpapatrolya sa pagkawala ng untoward actions ng China sa AFP mula nang magpakawala ito ng flares sa eroplano ng air force sa Bajo de Masinloc.| ulat ni Diane Lear