Nakahanda ano mang oras ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumugon sa ano mang misyon na ipag-uutos sa kanila.
Ito ay may kaugnayan sa posibleng paggamit ng mga eroplanong militar, tulad ng C-130, para isakay pauwi ng Pilipinas ang mga kababayan nating apektado ng kaguluhan sa Lebanon.
Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, handa ang kanilang hanay at mga kagamitan kung sakaling ipag-utos na sunduin ang mga OFW sa Lebanon.
Dagdag pa ni Padilla, poprotektahan ng Sandatahang Lakas ang ating mga kababayan at ipagtatanggol ang ating soberanya ano mang mangyari at saan man sila naroroon.
Gayunpaman, nakadepende pa rin sila sa Department of Migrant Workers (DMW) dahil ito ang lead agency pagdating sa mga OFW.
Matatandaang sinabi ng pamahalaan na handa silang ipatupad ang mandatory repatriation sa mga Pilipino sa Lebanon kung sakaling lumala ang sitwasyon doon at itaas sa Alert Level 4 ang status ng lugar. | ulat ni Diane Lear