Matapos tulungan ang creatives industries sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), ay mga nagtatrabaho naman sa mga mall ang sunod na makakabenepisyo sa programa ng pamahalaan.
Ayon kay House Deputy Secretary General at BPSF national secretariat lead Sofonias Gabonada Jr., ngayong buwan ay iikot ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at si Speaker Martin Romualdez sa ilang malalaking mall sa Metro Manila para magpaabot ng ayuda sa mga empleyado, retailers, at renters sa pamamagitan ng AKAP Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bilang pauna, ilulunsad ang AKAP Mall Tour, sa SM Fairview, SM North, SM Mega Mall, at Mall of Asia.
“Magkakaroon ng AKAP Mall Tour launching sa October 18. Kung saan pupuntahan ang mga malalaking mall kagaya ng SM Fairview, SM North, SM Mega Mall, at Mall of Asia. Lahat ng mga empleyado, retailers, renters ng mga malls na ito, lahat ng mga empleyado nito ay bibigyan ng financial assistance mula sa AKAP ng DSWD na nagkakahalaga ng P5,000,” ani Gabonada.
Sunod naman na tinitignan na maabutan aniya ng tulong ang delivery rider sector.
“Next din nito, tinitingnan din natin yung delivery sector. Yung Grab, Angkas, among others na gusto rin i-tap ng ating Speaker Martin Romualdez para mabigyan din sila ng cash assistance,” dagdag niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes