Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na dapat lang magkaroon ng sariling imbestigasyon at beripikahin ng mga awtoridad ng Pilipinas ang testimonya ng self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang na espiya rin si dating Mayor Alice Guo.
Ayon kay Escudero, dapat ang mga awtoridad na natin ang magsumikap na kunin ang testimonya ni She o magpadala ng team sa Bangkok, Thailand kung saan kasalukuyang nakakulong si She.
Sinabi ng Senate president na kailangang ma-cross examine at timbangin ng mga opisyal ng Pilipinas ang statement na nagmula sa isang dayuhan na nasa ibang bansa.
Dapat aniyang magkaroon ng documentary evidence ang ating bansa at hindi basta ibabase lang ang lahat sa isang report ng isang international media organization.
Samantala, ipinahayag rin ni Escudero na ang husgado na ang dapat na magpasya kung ituturing bang espiya si Guo.
Ito rin aniya ang dahilan kaya dapat nang amyendahan ang Espionage Law ng Pilipinas dahil base sa pagkakaalam ng Senate leader, wala pang batas ang Pilipinas na magpaparusa sa mga espiya sa panahong wala namang giyera sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion