Buwena-manong naghain ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) si Peter Advincula na mas kilala sa alyas Bikoy para tumakbo bilang independent candidate para sa pagka-senador.
Ito’y sa huling araw ng pagpapasa ng COC na ginaganap sa Manila Hotel Tent City para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay alyas Bikoy, sakaling mapagbigyan sa Senado, una niyang gagawin na magkaroon ng reporma sa mga piitan sa bansa.
Aniya, nararapat nang baguhin ang sistema ng gobyerno sa mga kulungan dahil walang nangyayaring pagbabago kung saan dapat na gabayan ang mga PDL hanggang sa sila ay makalaya at makapag-bagong buhay.
Una na ring naghain ng Certificate of Nomination and Certificate of Acceptance of Nomination (CON-CAN) sa last day ng filing ng COC ang Kababaihan Party-list sa pangunguna ni Kate Coseteng.
Isa sa mga adhikain ng nasabing party-list ay ang kapakanan ng mga kababaihan na nababalewala ang karapatan.
Sa usapin naman ng diborsyo, suportado nila ito pero depende ito sa kondisyon kung saan maaari rin naman daw isagawa ang aborsyon kung kalusugan ng kababaihan ang nakasalalay. | ulat ni Mike Rogas