Iprinesenta sa media ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force ang apat na indibidwal, kabilang ang isang 17 taong gulang na sangkot sa pagproseso at pagbebenta ng mga pekeng public documents gaya ng NBI clearance.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nahuli ang mga suspek sa isang operasyon ng NBI matapos matuklasan na nag-iisyu sila ng pekeng NBI clearance sa Quiapo, Maynila.
Nabahala si Santiago nang matuklasang pati ang kanyang pirma ay pineke rin ng mga suspek.
Aniya, ang regular na NBI clearance ay nagkakahalaga lamang ng P150, ngunit ang mga suspek ay nagbebenta nito mula P500 hanggang P1,500, at maaaring makuha ito sa loob ng ilang minuto.
Bukod sa NBI clearance, pinepeke rin ng mga suspek ang driver’s license, titulo ng lupa, police clearance, medical certificate, at iba pang dokumento.
Ipapatawag ng NBI ang barangay kapitan ng nasabing lugar upang alamin kung bakit talamak ang pamemeke ng dokumento doon at maghanap ng solusyon sa problema.
Mahaharap ang tatlong naaresto sa kasong paglabag sa Article 171-172 ng Revised Penal Code, samantalang ang disi-siyete anyos ay dadalhin sa DSWD. | ulat ni Diane Lear