Handa ang Asia-Pacific hindi lamang sa pagharap sa hamon at banta na dala ng Climate Change, bagkus, mangunguna pa ito sa pagtugon sa Climate Crisis at disaster risk reduction.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ang mensaheng ipinahahatid ng rehiyon, sa buong mundo, sa ginaganap na 2024 Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction sa PICC.
Sabi ng Pangulo, habang tinatahak ng rehiyon ang mga inisyatibong layong pagaanin ang epekto ng Climate Change, dapat na magsilbing inspirasyon ang katatagan ng rehiyon na ipinamamalas ng mga mamamayan nito, tuwing humaharap sa kalamidad ang bawat bansa sa Asia-Pacific.
Mula sa muling pagbangon ng mga nawasak at naantalang kabuhayan dahil sa pananalasa ng mga bagyo, hanggang sa muling pagtatayo ng mga pinatumbang imprastruktura ng mga lindol, ang Pilipinas at mga kalapit na bansa nito, nagsisilbing halimbawa sa pagtindig muli, pagiging matatag, at determinasyon sa kabila ng mga hamong ito.
Pagbibigay diin ng Pangulo, ang pagiging matagumpay ng mga programang isusulong sa conference, ay hindi lamang magmumula sa mga polisiyang matatalakay at ia-adopt sa diskusyon, bagkus ay sa paglilinang ng katatagan at determinasyon ng mga komunidad at ng bawat mamamayan sa rehiyon.
“Building stronger societies requires addressing the needs of the most vulnerable— the very young, the very old, the sick, the indigenous peoples, marginalized communities. We must ensure that every voice is heard and every person is empowered to contribute to disaster risk reduction and receives the assistance that they need if the time comes. Third, we must acknowledge that climate change and disasters are catalysts for human displacement.” —Pangulong Marcos.| ulat ni Racquel Bayan