Magbubukas na ngayong araw ang 2024 Asia-Pacific Ministerial Conference for Disaster Risk Reduction (APMCDRR) na layong patatagin ang kooperasyon sa pagtugon sa mga sakuna.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging host ang Pilipinas sa APMCDRR na gaganapin sa Philippine International Convention Center sa Pasay City simula ngayong araw, October 14-18, 2024.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), lalahok sa naturang conference ang nasa higit 4,000 mga kinatawan sa pamahalaan, international at civil society organizations, pribadong sektor, academe, at stakeholder groups na mula sa 69 na bansa.
Ipinunto naman ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na layon ng ministerial conference na bigyan ang LGUs ng isang plataporma at network na nakatutok sa pagkamit ng disaster resilience sa taong 2030.
Tatalakayin din dito ang mga inisyatibo at global practices para mapahusay ang pagtugon sa mga disaster at mabawasan ang panganib sa sakuna.
Ang APMCDRR ay isang biennial na kaganapan na pinangungunahan ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNDRR). | ulat ni Merry Ann Bastasa