Target ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na gawing casualty-free ang darating na halalan sa 2025.
Sinabi ni Remulla, na inatasan siya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pagsikapan ang kaligtasan at seguridad ng mga kandidato at publiko sa darating na eleksyon.
Aniya, hihingi umano siya ng tulong sa lahat ng ahensya at gobyerno para maging mapayapa at maging ‘zero casualty’ ang halalan.
Sa lalawigan ng Cavite, nagtalaga siya ng mobile patrol vehicle sa bawat kandidato sa pagka-alkalde para magbigay seguridad bukod sa kanilang mga personal na bodyguard.
Batay sa kanyang inisyal na assessments, ang mga lugar na maaaring isama bilang hotspot sa 2025 elections ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Cagayan, Nueva Ecija, at Palawan.
Samantala, pinaimbestigahan na ni Remulla ang insidente ng pamamaril sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy , kung saan lima ang nasugatan sa insidente. | ulat ni Rey Ferrer