Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Health at Department of Education sa Ilocos Region na bakunahan ang nasa 165,000 na mag-aaral mula Grade 1 hanggang 7 sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong Rehiyon 1.
Sa ginanap na press conference ngayong araw, October 14, 2024, sa Ariana Hotel, Bauang, La Union, tiniyak ni Regional Director Paula Paz Sydiongco na may sapat na bakuna para sa target na bilang ng mga babakunahang estudyante.
Ang Bakuna Eskwela ay isang school-based immunization program na layong protektahan ang mga kabataan laban sa mga sakit tulad ng measles, rubella, diphtheria, at human papilloma virus (HPV).
Sa panig naman ng DepEd, patuloy ang kanilang mga ginagawang information campaign sa mga sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna upang mabawasan ang pag-aalinlangan ng mga magulang at mag-aaral.
Ang pagpapatupad ng Bakuna Eskwela ay ginagabayan ng DOH National Immunization Program Department Memorandum No. 2024-250 o ang Interim Guidelines on the Resumption of School-Based Immunization (SBI) after the Covid-19 Pandemic.
Magtatagal ang bakunahan hanggang sa susunod na buwan ng Nobyembre. | ulat ni Albert M. Caoile | RP1 Agoo