Itinaas na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang benepisyo para sa hemodialysis na aabot na sa halos P1 milyon kada taon.
Sa loob lamang ng tatlong buwan, dalawang beses na itinaas ang benepisyo para sa hemodialysis. Mula P2,600 noong Hunyo, naging P4,000 ito noong Hulyo, at ngayon ay P6,350 na kada sesyon simula October 7.
Ayon kay PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr., ito ay tugon sa mga ulat na marami pa ring pasyente ang nahihirapang magbayad para sa kanilang dialysis treatment.
Sakop ng P6,350 na package rate ang mga gamot, laboratory tests, mga supply gaya ng dialyzers, at paggamit ng dialysis machines.
Nilinaw naman ng PhilHealth na maaaring magkaroon ng dagdag-bayad kung may mga serbisyong kailangan ang pasyente na hindi kasama sa minimum standard of care.| ulat ni Diane Lear