Marami nang suki ang Kadiwa Store sa tanggapan ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Visayas Avenue, Quezon City.
Maaga pa lang ay may pila na ng mga mamimili sa bentahan ng gulay, karne, isda, pati na ng murang bigas.
Bukod kasi sa ₱29 na para sa vulnerable sector, available din dito ang tig-₱43 na kada kilo sa ilalim ng ‘Rice for All’ program.
Ayon sa mga tauhan ng Kadiwa site, may 100 sako ng bigas ang bitbit nila para sa bentahan ngayong Huwebes.
May booklet naman na nakalaan para sa mga senior, PWDs, at miyembro ng 4Ps kung saan itinatala ang kanilang binibiling bigas dahil limitado lang sa dalawang beses sa isang buwan ang bawat isang benepisyaryo.
Habang sa ₱43 naman na kada kilo ng well-milled bigas, ito ay walang limit at maaaring makabili kahit na isang sako.
Bukod sa bigas, marami din ang namimili sa baboy at isda at mga mura at sariwang gulay.
Kabilang dito:
Sibuyas – ₱85 kada kilo
Native Pechay – ₱100 kada kilo
Talong – ₱100 kada kilo
Sitaw – ₱100 kada kilo
Ampalaya – ₱100 kada kilo
Baguio Beans – ₱180 kada kilo
Okra – ₱80 kada kilo
Patatas – ₱90 kada kilo
Carrots – ₱140 kada kilo
Bukas ang naturang Kadiwa Store mula 7am-4pm tuwing Huwebes at Biyernes. | ulat ni Merry Ann Bastasa