Nagsagawa ng malawakang road clearing operations ang mga yunit ng BFP Quezon sa kasagsagan ng Bagyong Kristine upang alisin ang mga debris at maibalik ang access sa mga pangunahing daan.
Ayon sa pabatid ng BFP Quezon, nilalayon nitong tiyakin na makararating agad ang emergency services at tulong sa mga apektadong komunidad.
Mahalaga anila ang mga operasyong ito upang mabuksan muli ang mga kalsada, na nagbibigay ng ligtas na daanan para sa mga rescue teams, mga nagdadala ng suplay, at mga responder.
Bukod sa paglinis ng mga kalsada, aktibo ring nagbigay ang BFP Quezon ng mahalagang relief support sa mga apektado ng bagyo.
Kabilang dito ang pamamahagi ng pagkain, tubig, at iba pang pangangailangan sa mga lumikas sa evacuation centers upang matiyak na ang mga na-displace dahil sa bagyo ay may sapat na pangangailangan habang hindi pa normal ang sitwasyon. | ulat ni Mara Grezula | RP1 Lucena