Umabot na sa 116 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Kristine.
Sa isang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Administrator Usec. Ariel Nepomuceno na ang naturang bilang ay naiulat ng kanilang mga OCD region.
Ayon kay Usec. Nepomuceno, ang bilang na ito ay patuloy na sumasailalim sa proseso ng validation dahil kinakailangan pa ng opisyal na death certificate mula sa lokal na pamahlaaan na isusumite sa Department of the Interior and Local Government.
Sa nasabing bilang ng nasawi, 10 dito ang na-validate na at karaniwang dahilan ng pagkamatay ay nalunod at pagguho ng lupa.
Bukod dito, nasa 39 na indibidwal naman ang nawawala at pinaghahanap ng mga awtoridad.
Kaya inaasahan ng OCD na tataas pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyo. | ulat ni Diane Lear