Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kanilang commitment at dedikasyon na palakasin ang integridad ng sistemang pinansyal upang tuluyan nang makalaya sa Financial Action Task Force (FATF) “grey list” ang bansa.
Kasama sa pagsisikap na ito ang pagpapalawak ng BSP ng kanilag oversight sa money service business at pagpapatibay ng mga sanctions framework laban sa terorismo at proliferation financing.
Ayon sa Central Bank, bagaman kinikilala ng Paris based FATF ang mga malaking progreso sa pagpapatupad ng plano sa Anti-Money Laundering and Combating the Financing of Terrorism (AML/CFT), kailangan pa aniyang ituloy ang pagpapatibay ng bansa sa pagpapatupad at reporma sa sistema ng pananalapi.
Ayon sa FATF, natugunan ng Pilipinas ang 18 action plan items na naging sanhi kaya napasama ang bansa sa “grey list” noong taong 2021.
Sa Pebrero 2025, nakatakdang pumarito ang FATF upang magsagawa ng inspeksyon at tiyaking naipatutupad ang AML-CFT reforms sa bansa—pagkakataon na tuluyan nang maiaalis sa “grey list” ang bansa. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes