Maraming pasahero na ang maagang nagpareserba ng kanilang biyahe pa-Norte sa terminal ng Victory Liner sa Kamias, Quezon City.
Simula pa kahapon ay fully booked na ang mga biyahe papunta ng Isabela, at Tuguegarao, Cagayan at hanggang mamayang alas-11:30pm.
Gayunman, tumatanggap pa rin ito ng mga chance passenger.
Kabilang rin ito sa nabigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaya may mga dagdag na bus at extra trip sila mamayang gabi para ma-accomodate ang mas maraming pasahero.
Sa ngayon, hindi pa ramdam ang dagsa ng mga biyahero sa naturang terminal.
May ilang pasahero namang gaya ni Nestor na nag-leave na ngayong araw para makabyahe ng mas maaga at maiwasan ang hassle.
Inaasahang simula mamayang hapon pa magdadatingan ang bugso ng mga biyaherong luluwas sa kanilang mga probinsya.
Handa naman ang Victory Liner na may malaking tent nang nakalatag at mga monoblock kung saan maaaring maghintay ang mga chance passenger. May naka-deploy na ring mga pulis at Police Assistance Desks para tumugon sa anumang concern.
Sa kabila din ng banta ng Bagyong Leon, walang byahe ang kanselado sa naturang terminal. | ulat ni Merry Ann Bastasa