Para sa nalalapit na Halalan 2025, lumobo ang bilang ng mga naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa pagka-senador, umabot na ito sa 184 kumpara sa 176 noong 2022 at 153 noong 2019, ayon sa pinakahuling ulat mula sa Commission on Elections (COMELEC).
Kabilang sa mga nangungunang personalidad na naghain ngayong araw sina Willie Revillame, dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Atty. Vic Rodriguez, Sagip part-list Rep. Rodante Marcoleta, Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, at dating Deputy Speaker at Valenzuela Rep. Eric Martinez.
Sa hanay ng mga party-List, bumaba naman ang bilang ng mga grupong lalahok sa halalan ngayong 2025, naitala ang 190 na naghain ng kanilang COC. Ito ay mas mababa kumpara sa 270 na sumali noong 2022, ngunit bahagyang mas mataas sa 185 noong 2019. Ilan sa mga kilalang party-list groups na nagsumite na ay ang TUCP, ARTE, Probinsyano Ako, MAGSASAKA, Tutok to Win, Ang Batang Quaipo, at marami pang iba bitbit ang kani-kanilang plataporma at adbokasiya.
Sa pagtatapos ng araw ng paghahain, sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na masaya naman ito sa itinakbo ng filing magmula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8.
Hindi na nagsagawa ng presscon ang COMELEC dahil lagpas dalawang oras na rin matapos ang itinakdang cut-off ay may mangilan-ngilan pang kakandidato ang pinoproseso kanina ng COMELEC.
Matapos nito, marami pang aktibidad na gagawin ang COMELEC tulad ng pagsala ng mga naghain ng kandidatura at raffle para sa numero naman sa balota ng mga party-list na gagawin sa Oktubre 18.| ulat ni EJ Lazaro