Umabot sa 42 na Certificate of Candidacy (COC) ang isinumite sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) Cebu Provincial Office mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8, 2024, para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec Cebu Provincial Election Supervisor Atty. Marchel Sarno, naging maayos ang isinagawang filing of COC sa kanyang opisina.
Pinakaunang naghain ng COC si incumbent Cebu 3rd District Rep. Pablo John “PJ” Garcia nang mag-ala 8 ng umaga noong Oktubre 1 upang muling kumandidato sa kaparehong posisyon.
Subalit iniurong din nito ang kaniyang kandidatura pasado alas-4 ng hapon noong Oktubre 8 upang mag-aral sa ibang bansa at magsulat ng libro patungkol sa kasaysayan ng Cebu.
Humalili sa kaniyang kandidatura ang kaniyang maybahay na si Karen Garcia, isang dating journalist.
Pinakahuling nagsumite ng COC si Thomas Mark Durano, na kumakandidato sa pagka-kongresista sa 5th District ng lalawigan.
Sa itinakdang deadline, naghain din ng kandidatura ang 19 na aspirants.
Ito ay kinabibilangan nina re-electionist incumbent governor Gwendolyn Garcia at katambal nito bilang bise gobernador si incumbent board member Glenn Anthony Soco, maging ang katunggali ni Garcia na si Pam Baricuatro.
Kahapon din, naghain ng COC si incumbent Vice Governor Hilario Davide III, na nais tumakbo bilang kongresista sa 2nd District.
Ayon kay Sarno, isusumite ng Comelec Cebu Provincial Office sa kanilang central office ang lahat ng natanggap nilang COC upang ang kanilang legal department na ang magpasya, partikular sa mga kailangang kanselahin o idiskwalipika. | ulat ni Jessa Agua- Ylanan | RP1 Cebu