Iginiit ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na tungkulin ng Commission on Elections (COMELEC) na tiyakin na bawat kandidato ay susunod sa mga itinakdang pamantayan para masiguro na walang botanteng Pilipino ang malilinlang sa kawalan ng kwalipikasyon ng mapipili nilang kandidato sa araw ng halalan.
Pahayag ito ni Estrada kasunod ng kumpirmasyon ng kampo ni dismissed Mayor Alice Guo na maghahain ito ng Certificate of Candidacy (COC) para tumakbo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac sa 2025 Elections.
Ayon kay Estrada, karapatan ng kahit sinong Pilipino ang ipresenta ang kanilang sarili sa taumbayan para manilbihan bilang isang lingkod-bayan.
Pero binigyang-diin ng senador na ang prebilehiyong ito, na nakasaad sa ating Konstitusyon, ay para lang sa mga kapwa nating Pinoy at hindi kailanman pwedeng ibigay sa mga pekeng Pilipino.
Maliban dito, responsibilidad rin aniya ng bawat kandidato na magbigay ng tamang impormasyon sa kanilang sarili at sumunod sa mga alituntunin na pinag-uutos ng mga batas ng bansa sa pagiging kandidato. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion