Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapalawig ng deadline para sa pagsusumite ng petisyon laban sa mga nuisance candidates na naghain ng kanilang mga certificate of candidacy (COC) nang nagdaang unang walong araw ng Oktubre.
Ang pagbabagong ito ay batay sa memorandum mula sa COMELEC noong Oktubre 11, 2024, na sumusunod sa Memorandum Circular No. 66 mula sa Office of the President na nag-aatas ng pagsuspinde ng trabaho sa mga lungsod ng Maynila at Pasay sa Oktubre 14 at 15 dahil sa isasagawang international conference sa disaster risk reduction. Kaya naman dahil dito, apektado nito ang mga tanggapan ng gobyerno, kasama ang mga opisina ng COMELEC.
Kaya mula sa orihinal na petsa sa Oktubre 14 ay inilipat na ang deadline sa mga petisyon sa Miyerkoles, Oktubre 16, 2024.
Tatanggap naman ng mga petisyon ang COMELEC mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon sa nasabing araw. | ulat ni EJ Lazaro