Ganap na alas-8:38 ng umaga, inilabas sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Kampo Crame ang convoy kung saan pinaniniwalaang sakay si Kingdom of Jesus Christ Founder Apollo Quiboloy.
Patungong Senado ang convoy na kinabibilangan ng apat na sasakyan kung saan sinasabing sakay si Quiboloy kasama ang isang ambulansya mula sa PNP General Hospital.
Bantay sarado rin ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang convoy ni Quiboloy bilang bahagi ng mahigpit na seguridad.
Bago nito, dumating muna sa Custodial Center ang abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon.
Matatandaan na kinatigan ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang hirit ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na paharapin si Quiboloy gayundin ang mga kapwa akusado nito sa pagdinig ng Senado.
May kaugnayan iyan sa mga paglabag ng Pastor at mga kasamahan nito na siyang dahilan kaya’t sinampahan sila ng mga kasong Child Abuse at Qualified Human Trafficking. | ulat ni Jaymark Dagala