Positibo si Quezon City 1st district Rep. Arjo Atayde na sa tamang suporta ay kakayanin ng ating creatives industry na yumabong at makipagsabayan sa Hallyu wave ng South Korea at Bollywood ng India.
Sa kaniyang talumpati sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, sinabi ni Atayde binigyang diin ni Atayde na maliban sa entertainment, may positibo ring ambag ang pelikulang Pilipino sa ating ekonomiya.
Inihalimbawa pa nito ang South Korean entertainment industry na may ambag na $10.7 billion sa kanilang ekonomiya noong 2020.
Habang ang Bollywood industry naman ay nakakapag ambag aniya ng $2.7 billion sa ekonomiya ng India kada taon.
“Sa tamang suporta maaari nating buuin ang isang industriya na hindi lamang nagsusulong ng ating sining at kultura kundi nagbibigay rin ng malaking ambag sa ating ekonomiya…Beyond the numbers, it created millions of jobs and elevated their culture to the world stage,” ani Atayde.
Bilang dating MMDA Chair at tagapamuno ng Metro Manila Film Festival nagpasalamat naman si dating DILG Sec. Benhur Abalos na mismong ang Unang Ginang Liza Araneta Marcos ay nakatutok sa pagpapaunlad at pagpapasigla muli ng sektor ng paglikha.
“Talagang hindi lang siguro sa pera, mga polisiyang dapat gawin na talagang iano. Kasi kung titignan mo ang industriyang pelikula sa ibang bansa, talagang iba…at natutuwa ako, no less than the First Lady, tumutulong ito sa mga ganitong polisiya.” ani Abalos. | ulat ni Kathleen Forbes