Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng dalawang bangkang pangisda ng China na umaaligid sa silangang baybayin ng bansa.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, RAdm. Roy Vincent Trinidad na kahapon (October 28) niya natanggap ang naturang ulat.
Namataan ito sa layong 20 nautical miles sa east coast ng Luzon na siyang sakop na ng Philippine Sea.
Una rito, ini-ulat ng security expert na si Ray Powell na nasa bahagi ng Casiguran, Aurora ang naturang mga Chinese fishing boat.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na sa kabila ng presensya ng mga bangka ng China, wala naman silang namo-monitor na pangingisda na ginagawa ng mga ito kaya’t hindi pa maituturing na naka-aalarma.
Kumukuha pa aniya sila ng karagdagang impormasyon hinggil sa presensya ng mga bangkang pangisda ng China sa nasabing karagatan.
Maliban dito, may mga binabantayan din ang AFP na iba pang bangkang pangisda ng China na nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) na nagmula naman sa iba pang bansa sa Timog-Silangang Asya. | ulat ni Jaymark Dagala