Ipinagtataka ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit hindi pa rin siya sinasampahan ng kriminal na kaso ng Department of Justice (DOJ) kahit aniya matagal na siyang pumapatay.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa pagharap nito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee tungkol sa war on drugs.
Una dito, sinabi ni Senador Risa Hontiveros sa DOJ na tandaan ang mga pag-amin na ginawa ng dating Pangulo sa pagdinig ng Senado.
Nilinaw naman ng dating Presidente na ang utos niya sa mga pulis ay ang pumatay ng kriminal at hindi ng mga inosente.
Nagkainitan pa sina Hontiveros at Duterte nang matanong ng senador ang dating Pangulo kung nanindigan pa rin itong aakuin niya ang buong responsibilidad sa nangyari sa drug war, kahit pa nakapatay ito ng mga inosenteng menor de edad.
Kabilang na sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz, at Reynaldo de Guzman.
Nanindigan si Duterte na malinis ang kanyang mga kamay sa pagkamatay ng mga hindi armadong teenagers.
Iginiit rin nitong ang anti drug war policy lang ng kanyang administrasyon ang kanyang inaako at hindi ang mga partikular na krimen na tinutukoy ng senador. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion