Nilinaw ni dating PNP chief Bejamin Acorda Jr. ang kanyang panig kaugnay ng mga litratong lumabas na kasama niya ang ilan sa mga personalidad na iniuugnay sa operasyon ng mga iligal na POGO sa bansa.
Ayon kay Acorda, December 2020 niya nakita at nakilala si Tony Yang nung siya ay naging Deputy Regional Director for Administration (DRDA) ng Police Regional Office 10 sa Cagayan de Oro City.
Nakilala aniya niya si Yang sa ilang mga official at social occassions bilang miyembro ito ng isang local Filipino-Chinese Business Chamber of Commerce.
Sunod na aniyang nakita ng dating PNP chief si Yang noong November 2021 nang maitalaga na siya bilang Regional Director ng Region 10.
Binigyang diin ni Acorda na hindi personal ang mga kanilang pagkikita kundi pawang propesyunal lang.
Kaugnay naman ng litrato niya kasama si Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay, kinunan aniya ang naturang litrato noong May 6, 2023 o dalawang linggo lang halos matapos siyang maitalaga bilang PNP chief.
Hindi aniya niya alam kung sino ang mga isasama nito sa gagawin nitong courtesy call.
Giniit ni Acorda na hindi lang naman sina Calugay ang naging bisita niya noon.
Umaasa ang dating hepe ng pambansang pulisya na ang paliwanag na ito ay maglilinaw ng kanyang pangalan mula sa mga isyu.| ulat ni Nimfa Asuncion