Bumisita si Education Secretary Sonny Angara sa kauna-unahang pagkakataon sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Sa pangunguna ng kalihim, kasama ang ibang opisyal ng ahensya, namahagi ang Department of Education (DepEd) ng 15 laptop para sa mga guro ng Pag-asa Integrated School.
Bukod sa mga laptop, nagbigay rin sila ng 43 footballs at 109 school bags na may mga gamit pang-eskwela para sa mga mag-aaral.
Ayon kay Angara, ito ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na gamitin ang makabagong teknolohiya para mapagaan ang trabaho ng mga guro at mahasa ang kakayahan ng mga estudyante.
Nagsagawa rin ng konsultasyon ang DepEd kasama ang mga guro, magulang, at mga lokal na lider upang talakayin ang mga isyung kinakaharap ng komunidad, kabilang ang pabahay at transportasyon para sa mga residente ng isla. | ulat ni Diane Lear