Nagpasalamat si House Deputy Speaker at Cebu 5th District Representative Duke Frasco sa Office of the Ombudsman matapos ibasura sa pangalawang pagkakataon ang kasong inihain laban sa kaniya at kay Tourism Secretary Christina Frasco na noon ay mayor ng Liloan.
Ang na-dismiss na kaso ay nag-ugat sa reklamong inihain ng mga lokal na opisyal ng Danao, dahil sa namahagi ang mag-asawang Frasco ng mga ambulansya sa lugar noong panahon ng pandemic at emergency.
Una nang ibinasura ng Ombudsman ang naturang kaso, ngunit naghain ng motion for reconsideration ang mga complainant.
Kinatigan ng Ombudsam ang nauna nitong desisyon na inilabas noong 2023, na nagbabasura sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Local Government Code of 1991, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Administrative Code of 1978.
Nangako naman si Frasco, na sa kabila ng pangyayari ay patuloy silang hahanap ng mga paraan upang matulungan ang mga residente ng Danao. | ulat ni Kathleen Forbes