Hihintayin at rerespetuhin ni Senate Committee on Women Chairperson, Sen. Risa Hontiveros ang magiging desisyon ng Korte patungkol sa pagdalo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader, Pastor Apollo Quiboloy sa pagdinig ng Senate inquiry.
Matatandaang nagpadala na ng liham ang komite ni Hontiveros sa korte ng Quezon City at Pasig City na may hawak ng mga kaso ni Quiboloy para makadalo ito nang personal sa pagdinig ng Senado na gagawin sa Miyerkules, October 23.
Giit ni Hontiveros, may standing warrant of arrest si Quiboloy sa Senado dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig kung kaya’t nararapat lamang na humarap na ang religious leader sa Senate inquiry at harapin na ang mga resource person o ang mga victim-survivor ng di umano’y pang-aabuso nito sa mga miyembro ng KOJC.
Una nang naghain ng petisyon ang kampo ni Quiboloy na huwag itong payagan na dumalo sa imbestigasyon ng Senado.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang ginagawa nilang imbestigasyon ay ‘in aid of legislation’.
Layon aniya nitong palakasin ang pagkakasulat at pagpapatupad ng mga batas ng bansa tungkol sa proteksyon sa mga babae, mga bata at mga manggagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion