Binalaan ni Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na mahaharap ito sa dagdag na mga kaso kung itutuloy ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para makatakbo sa 2025 Midterm Elections.
Binigyang-diin ni Hontiveros na kung tatakbo pa rin si Guo ay mahaharap ito sa kasong material misreprestation sa paghahain nito ng COC at sa maling pagdedeklara ng kanyang sarili bilang Pilipino.
Giit ng senador, ang COC ay isang mahalagang dokumento na ginagawa under oath.
Kaya kung magpupumilit aniya si Guo sa kanyang kasinungalingan ay dadagdagan pa ng kasong perjury ang patong-patong na kasong kinakaharap na nito sa kasalukuyan.
Samantala, hinikayat naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang Commission on Elections (COMELEC) na agad na ipatupad ang mga kinakailangan legal na hakbang para i-disqualify si Guo mula sa pagtakbo sa isang posisyon sa gobyerno.
Pinunto ni Gatchalian na una nang inaprubahan ng COMELEC ang rekomendasyon ng Law Department nito na aksyunan ang paglabag ni Guo sa Omnibus Election Code. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion