Inihayag ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensya ng pamahalaan na i-mobilized ang mga asset nito upang tulungan ang mga apektadong overseas Filipino workers (OFW) sa Lebanon.
Ito ay sa gitna na rin ng lumalalang tensyon sa nasabing bansa.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Secretary Cacdac na nagpapatuloy ngayon ang kanilang pagtulong sa mga apektadong OFW kabilang na rito ang mga nagpahayag ng kagustuhan na umuwi sa Pilipinas.
Sinabi rin ng kalihim na mayroong 178 na OFW ang kasalukuyang tumutuloy sa tatlong shelters sa Beirut, at posible pa aniyang madagdag ang bilang na ito.
Samantala, nasa 20 mga OFW ang inaasahang darating sa bansa mula sa Lebanon sa weekend na nag-avail ng repatriation program ng pamahalaan.
Mahigit 200 din ang naka-book na at nakatakdang umuwi sa bansa ngayong buwan.
Matatandaang nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Lebanon, kung saan ipinatutupad ang voluntary repatriation at deployment ban sa nasabing bansa. | ulat ni Diane Lear