Umaapela ang Department of National Defense (DND) sa Senado na mailipat sa programmed appropriations ang buong pondo para sa modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim kasi ng 2025 National Expenditure Program (NEP) nasa P75 billion ang budget allocation para sa AFP modernization program… P50 billion lang ang nasa programmed appropriations o may tukoy nang pondo habang P25 billion ang nasa unprogrammed appropriations o hindi pa tiyak ang paghuhugutan ng pondo.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, sinabi kasi ng DND na kasama na sa paglalaanan nila ng pondo ang mga in-order na nilang mga bagong kagamitan ng Sandatahang Lakas.
Samantala, kabilang rin sa natalakay nina SP Escudero at ng defense department ay ang panukalang Military Uniformed Personnel (MUP) Pension Reform bill.
Sinabi ng Senate president, na ang direksyon nila dito ay ang ihiwalay ang AFP mula sa ibang mga uniformed personnel.
Iminungkahi rin aniya ng DND at AFP, na magbenta ng ilang hindi nagagamit na assets o lupa ng AFP para makadagdag ng pondo para sa MUP pension habang sa pamamagitan naman ng pagbebenta ng private bonds, maaari aniyang makatulong na madagdagan ang pondo para sa modernization program. | ulat ni Nimfa Asuncion