Iginagalang ni Finance Secretary Ralph Recto ang utos ng Korte Suprema na pansamantalang ihinto ang paggamit ng mga hindi nagamit at sobrang pondo ng PhilHealth.
Ito ay kaugnay ng mga petisyon na inihain laban sa paggamit ng nasabing pondo.
Ayon kay Recto, makakaasa ang publiko na ang DOF ay susunod sa utos ng Korte Suprema.
Aniya bilang isa ring public servant, kinikilala niya ang karapatan ng ilang indibidwal na maliwanagan sa issue.
Diin pa ng DOF chief, lubos ang kanilang kooperasyon sa Korte Suprema at umaasa na magiging pagkakataon ito upang liwanagin at matugunan ang isyu.
Binanggit din ni Recto na ang hakbang ng DOF na gamitin ang mga hindi nagamit na pondo ng mga Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) ay alinsunod sa Republic Act No. 11975 o GAA 2024 na inaprubahan ng Kongreso.
Paliwanag pa ng kalihim, siniguro ng kagawaran na ginawa nila ang lahat ng kinakailangang pagsisiyasat at konsultasyon kasama ang mga eksperto gaya ng Governance Commission for GOCCs, Government Corporate Counsel at Commission on Audit.| ulat ni Melany V. Reyes