Pinarangalan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng prestihiyosong 2024 Excellent Structure Award mula sa Korean Institute of Bridge and Structural Engineering (KIBSE) para sa proyekto nitong Panguil Bay Bridge sa Mindanao.
Tinanggap ni DPWH Senior Undersecretary Emil Sadain ang parangal sa isang seremonya na ginanap mismo sa Jeju Island, South Korea.
Isa sa mga key achievement na nabanggit sa kaganapan ay ang pagtatapos ng proyekto na may habang 3.7-kilometro na binuksan noong Setyembre, na ngayon ay itinuturing na pinakamahabang sea-crossing bridge ngayon sa Mindanao, na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Misamis Occidental at Lanao del Norte.
Pinondohan ang nasabing proyekto sa pamamagitan ng tulong mula sa Korea, na kinilala dahil sa makabagong disenyo nito, tibay ng istruktura, at malaking ambag sa kaunlarang pangrehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senior Usec. Sadain na ang tulay ay hindi lamang sumisimbolo sa infrastructure development kundi pati na rin sa matibay na partnership ng Pilipinas at South Korea sa pagsusulong ng civil engineering.
Sumasalamin rin umano ang proyekto sa commitment ng DPWH sa paghahatid ng mga imrastrukturang world-class sa mamamayang Pilipino.| ulat ni EJ Lazaro