Namahagi ng ₱1 milyon na tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office X sa 100 mga mababa ang kita at small-scale business owners mula sa bayan ng Linamon, Lanao del Norte nitong Oktubre 11.
Nakatanggap ang mga ito ng tig-₱10,000 na naglalayong palakasin ang kanilang maliliit na negosyo at pahusayin ang kanilang pangkabuhayan.
Nagsisilbi rin itong hakbang upang matugunan ang mga hamon na kinakaharap ng bawat pamilya sa ekonomiya.
Naghayag naman ng pasasalamat ang isang benepisyaryo na si Jenelyn Abasolo, at ibinahagi niya ang kaniyang plano na gawing puhunan para sa kaniyang sari-sari store ang natanggap niyang tulong mula sa pamahalaan.
Katuwang ng DSWD sa pamamahagi ng tulong pinansyal ang Pamahalaang Probinsyal ng Lanao del Norte, na nangangahulugan ng isang matibay na pakikipagtulungan sa pagitan ng ahensya ng pamahalaan at ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga hamon sa sosyo-ekonomiya. | ulat ni Sharif Timhar | RP1 Iligan