Pinabulaanan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga puna na umano’y nagiging “Ayuda Nation” ang bansa, kung saan karamihan sa mga Pilipino ngayon ang nakasalalay na lamang sa iba’t ibang government assistance.
Ayon sa Kalihim, walang siyang nakikitang masama sa pagtulong sa mga nangangailangan dahil mandato ito ng DSWD.
“Bahagi lang ng trabaho ng estado na kailangan ang mga mahihirap, vulnerable, at ‘yung mga marginalized – the poor, the vulnerable, and the marginalized. ‘Yung mga taong hindi kayang protektahan ‘yung mga sarili, trabaho ‘yan ng estado,” paliwanag pa ni Secretary Gatchalian.
Dagdag pa niya, may masusing criteria naman ang DSWD sa pamamahagi ng ayuda at may mga pangmatagalang programa rin para maiahon sa kahirapan ang mga benepisyaryo at hindi dumepende sa ayuda.
Ayon pa sa kalihim, nakatutok rin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang edukasyon na maga-angat sa ekonomiya ng bansa.
“Laging sinasabi ng Pangulo, panandalian o temporary lang na lunas ang social welfare. Ang anti-poverty programs katulad ng libreng edukasyon, paglago ng ekonomiya para magkaroon ng trabaho ang mga tao – ‘yan ang bagay na long-term in nature para maihaon natin sila sa kahirapan,” sabi ni Secretary Gatchalian.