Giniit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na walang tinatanggihan ang kanilang ahensya para mabigyan ng tulong.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng DSWD, sinabi ni Sec. Gatchalian na tinutulungan nila ang lahat ng nangangailangan lalo na ang mga qualified sa kanilang mga programa.
Kahit rin aniya walang referral ay tinutulungan rin ng DSWD.
Pero nilinaw ng opisyal na bineberipika rin nila ang mga pangalan o listahan ng mga benepisyaryong nire-refer sa kanila para matiyak na hindi pa sila nakakatanggap ng ibang mga ayuda.
Tiniyak rin ng kalihim na hindi nagagamit ng mga pulitiko ang mga ayuda na pinamimigay ng DSWD.
Sinabi ni secretary Rex na hindi papayag ang mga career social workers ng ahensya na magamit at malagay sa alanganin ang kanilang professional license
Ngayon nalalapit na rin ang kampanya para sa eleksyon 2025, sinabi ng kalihim na susundin nila ang anumang alituntunin na ibababa ng comelec, lalo na sa pagsama ng mga pulitiko sa pamamahagi ng mga ayuda.| ulat ni Nimfa Asuncion