Sa pagsisimula ng Certificate of Candidacy (COC) filing ay nanawagan ang waste at pollution watchdog group na EcoWaste Coalition sa lahat ng mga nais kumandidato na gawing sentro ng kampanya ang kalusugan ng publiko at ang kalikasan.
Sa isang pahayag, nanawagan si Aileen Lucero, National Coordinator, EcoWaste Coalition sa lahat ng mga tatakbong politiko at mga party-list groups na ipakita ang tunay nilang malasakit sa kalikasan at sa mamamayan sa pamamagitan ng pangangalaga sa kapaligiran sa mga salita at gawa.
Kasama sa hirit ng grupo ang pagtutulak sa mga platapormang tutugon sa environmental issues at iwasan na rin ang pag-aaksaya habang nanliligaw sa mga botante.
Umaasa rin ang EcoWaste na hindi maging ‘garpol’ ang mga kandidato o politikong magaling lang sa salita pero kulang sa gawa.
Sa panahon ng paghahain ng COCs, nanawagan ang grupo sa mga kandidato na ipasa na lamang ang kanilang mga certificate nang walang palabok at walang polusyon o motorcade na nagdudulot ng trapiko. | ulat ni Merry Ann Bastasa