Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pilipino sa nasabing bansa partikular sa tuwing may unmanned air vehicle o drone alert.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas, mahalagang malaman ng mga Pilipino kung ano ang dapat gawin sa tuwing may ganitong sitwasyon.
☑️Una, anila, ay dapat alam ng mga Pinoy na sa oras na ma-monitor ng Israeli defense force na may pumasok na hostile UAV o drone, ay tutunog ang sirena (tseva adom) sa mga lugar na maaaring daanan o bagsakan ng UAV o drone.
☑️Makakatanggap din ang mga residente sa naturang mga lugar ng drone infiltration alert sa pamamagitan ng text at app notification.
☑️Kapag nakarinig ng sirena o nakatanggap ng text alert/app notification, kumubli agad sa bomb shelter (mamad), community shelter (mamak), o anumang ligtas na lugar na maaaring silungan (protected space) tulad ng hagdanan, pasilyo, o internal room na wala/kaunti ang bintana.
☑️Pagtigil ng sirena, manatili pa rin sa mamad/mamak/protected space nang hindi kukulangin sa 10 minuto.
☑️Kapag may nakitang bumagsak na UAV, drone, or missile, HUWAG itong lapitan, kunan ng larawan/video, mag-Facebook live, o maki-usyoso. Agad lisanin ang lugar at payuhan din ang mga iba pang tao na umalis sa naturang lugar.
☑️Alinsunod sa utos ng IDF, huwag kunan ng video ang mga interception o pagbagsak ng mga UAV/drone dahil maaari itong gamitin ng kalaban sa pag-adjust ng susunod nitong pag-atake o di kaya sa propaganda. Mapanganib ding hindi agad kumubli dahil maaaring tamaan ng missile/drone o debris.
☑️Ipagbigay alam agad sa Pulis (dial 100) at sa emergency responders (dial 101) ang lokasyon ng pinagbagsakan ng UAV, drone, o missile.
Muling pinapaalala ng Embahada na unahin ang personal na kaligtasan sa lahat ng pagkakataon.
Palagiang maging mapagmatyag, maingat, alerto, at mabilis kumilos nang naaayon sa sitwasyon, at umantabay sa mga security guidelines ng IDF Home Front Command at safety advisories ng Embahada. | ulat ni Lorenz Tanjoco